#PERSONAL: PAMILYA

Sabi nila iwan at talikuran ka man ng ibang tao, pero ang pamilya mo palaging nandyan. Nakasuporta, nakaalalay at nagdadasal para sayo. Susuportahan ka sa lahat ng laban sa buhay. Patatatagin loob mo kapag nawawalan ka ng pag asa. Magkamali ka man alam mo nakahanda sila makinig at dumamay. Itutuwid yung landas na tatahakin mo. At gagabayan ka sa lahat ng oras. Mamahalin ka ng buo. At walang katumbas na pagmamahal at pagaaruga. Kapag nasasaktan ka mas nasasaktan sila.

Noong bata pa ako hindi ko lubos nauunawaan ang salitang Pamilya. Basta ang alam ko lang binubuo ito ng magulang at anak period. Basta kumpleto kayo pamilya ang tawag sainyo.

Hindi kami mayaman. Walang trabaho minsan si daddy si nanay naman walang raket minsan. Yung buhay namin isang kahig, isang tuka. Minsan meron, minsan wala. Pero masaya kami. Lalo kapag sabay-sabay kami kakain ng paborito namin tuyo, mainit na kanin at sawsawan na suka at bawang na may sili. Pag medyo nakaluwag may scrambled egg pa nga, yung may sibuyas, kamatis at bawang. Tapos lucky me or maggi na instant noodles. Yung kadalasan na hinahain ng mga ordinaryong pamilyang filipino. Syempre nagsadasal muna kami bago kumain. Never kami nagreklamo sa ganoon klase ng buhay. O siguro dahil bata pa kami ng mga kapatid ko noon.

Takot kami kay daddy. Yung salita nya mistulang batas sa amin. Si nanay naman saktuhan lang. Wala ako matandaan na sumagot kami ng pabalang kay daddy. Sumimangot siguro oo, pero hindi na namin inulit. Hahaha. Sabi ni daddy de numero daw ang kilos nila noong mga bata pa sila. Ganoon daw sila pinalaki ng lolo namin. Kami yung mga Batang 90’s nakatikim ng hagupit ng sintoron, walis, tsinelas at kahoy.

Naglalaro sa kalsada. Nagaabang ng cartoons at mga educational show sa umaga at hapon. Masaya ang kabataan namin. Kahit wala kaming mga latest at magagandang laruan. Tsinelas, bola, garter, lata at chalk lang masaya na kami.

Kanina sa isang conversation namin ni daddy bigla ko nasabi sa kanya. “Maswerte ka sa mga anak mo, walang lumaking balasubas. Drug Addict, magnanakaw ni isa sa amin.” (may mga naunang pamilya si daddy bago kami, bale 8 kami lahat. 3 kami magkakapatid sa nanay namin.)

“Kahit wala tayong pera. Walang yaman. Pero yung respeto na meron kami magkakapatid para sayo, yun yung kayamanan mo na hindi pwede manakaw o angkinin ng sino man.” May pinaguusapan kasi kami kanina. About sa pamilya. At napunta nga doon ang usapan namin. Natuwa ako sa sinabi nyang “Salamat! Anak!

Aminado ako hindi sya naging best at good daddy sa amin. Marami sya pagkakamali. Maraming pagkukulang. Mga responsibilidad na hindi nya nagampanan. Isa na doon yung pagpo-provide ng  basic needs na isang pamilya. Wala kaming bahay, walang damit (puro bigay o di kaya binili ng Lola namin na mama ni nanay. Sya din nagpaaral at nagpalaki sa amin magkakapatid). Walang yaman at marami pang wala. Ang meron lang kami magulang. Minsan wala sila trabaho pareho. Kaya si lola nagpapakain at nagpalaki sa amin. Naligaw din ng landas si daddy at nanay. Alam ko hindi sila perpekto. Tao lang sila. Pero yung respeto namin sa kanila bilang ama at ina nandoon talaga. Sabi ko nga hindi kami naging bastos at balasubas na klase ng anak. 

Natatandaan ko isang beses sumagot ako kay nanay. Iyon ang una at huling pagsagot ko sa kanya. (Nasampal ako bes, masakit ng very light😂) Hindi na naulit. Nagkakatampuhan kami Oo, walang kibuan, walang pansinan. Pero syempre nanay sya alangan magmatigas ako. Sa mga kapatid ko, nagaaway kami talaga. Pero hindi bugbugan. Sutilan ganun. May mga times na hindi din kami naguusap nung malalaki na kami. Nagaaway kami. Pero bilang ko sa daliri ko kung ilang beses kami nakapagsalita ng di maganda sa isa’t isa. Marahil dala lang galit. After nun wala na. Pinalaki kami ni daddy na dapat irespeto ang ate. Sumunod sa ate. Eh ako ang Ate. So, ramdam ko respeto sakin ng mga kapatid ko. Hindi naging balasubas sakin mga kapatid ko. Kaaway nila, kaaway ko rin. 

To make the story short. Lumaki kaming may takot at respeto kay Daddy. Si nanay average lang. Lumaki kaming batas ang bawat salita nya. Ganun katindi. Matalino si daddy. Hindi nga lang daw ginamit. Minsan nga nasabi ko, siguro kung inayos ni daddy sarili nya, maganda at maayos sana buhay nya ngayon, mga buhay namin.”  Kaso sabi nya: kung naging maayos at maganda buhay ko edi sana walang kayo. Hindi ko makikilala nanay nyo.” 

 Naihalintulad ko kasi sya sa isang kakilala. May pera sila, may kaya, may sinabi sa buhay. Pero nakita ko kung paano sya bastusin ng anak nya. Dumating sa time na itinakwil nya anak nya. Parang wala na syang pakielam dito. Ni hindi man lang hinanap o kumustahin o dalawin. Naligaw ng landas yung anak. Napariwara. Dumating sa time na nawala yung anak nya. Hanggang sa huling sandali mas mahalaga sa kanya ang sasabihin at iisipin ng ibang tao. May ganoong magulang pala. Hindi man lang nya binigyan ng pagkakataon yung anak nya na makapag bagong buhay. Ayusin ang buhay. Kasi kung magulang ka hindi mo hahayaan na maging ganoon sya. Hindi ka magsasawa bigyan sya ng naparaming pagkakataon. Nang napakaraming pagpapatawad. Kasi magulang ka. Hindi ka mapapagod gawin iyon sa anak mo. Sa sarili mong dugo at laman.

Nagkamali din kaming mga anak ni daddy. Hindi isa, dalawa o tatlo. Kundi maraming beses. Pero kahit ilang beses kami magkamali. Malugod nya kami pinapatawad at tinatanggap. Hindi man kami mayaman, busog kami sa respeto, pagpapatawad at pagmamahal ng magulang. 

Hindi pala basehan ang yaman ng isang tao para masabing masaya ka at na sayo na ang lahat.  Hindi din basehan na buo ang pamilya pero wala yung pagmamahal, pagaaruga, pagbibigay, pagpapatawad, pagtanggap at respeto sa isa’t isa.

Lubos ko lang naunawaan  sa araw na ito ang ibig sabihin ng salitang Pamilya. Maswerte pala kami na kahit mahirap lang kami may Pamilya kaming matatawag. 

#PERSONAL: ISA MGA ALAALA NG KABATAAN KO

Marami ako naranasan sa kabataan ko. Nasabi ko naman ata sa mga previous blog post ko na hindi kami mayaman. Isang kahig, isang tuka. Kung minsan meron minsan naman wala, yung parang game show noon sa isang variety show. Meron o Wala. Ganoon naman kasi ang buhay. Hindi palaging masaya at hindi rin palaging malungkot. Sabi nga nila bilog ang mundo.

Pumapasok ako minsan sa paaralan na walang baon. 5-10peso ang baon sa umaga at hapon. Swerte na minsan may 15-20peso. Pero hindi ako nagreklamo. Ayos lang sakin yun. Uuwi na lang ako sa tanghali para kumain ng tanghalian. Pero may mga araw na kahit tanghalian wala talaga. Tuloy ang laban.

Naranasan ko magbalot ng kendi doon sa kaibigan ng erpat ko. Diko na alam magkano bayad nya sa akin. Pero libre naman pagkain. Nagbabalot ako ng kendi tapos may pambaon na ako. Kaso syempre binibigyan ko din si nanay. Hinahati ko. Yung matitira sa akin, pambaon ko. Wala akong paki basta masaya na ako noon. Grade 3 ako nun. Kasikatan ng Titanic. Si Rose and Jack. 1998 yun.

Naranasan ko rin mamulot ng mga pwede pambenta. Kasama ko mga kaibigan ko at mga kapatid ko, kapatid ng mga kaibigan ko. Namulot kami mga bakas, pako, plastik, etc. Kahit ano basta pwede maibenta. Meron kasing tayler ng mga Bus noon malapit sa pinaglalaruan namin. Maraming pira-pirasong bakal. Kapag naipon na namin. Dadalin namin yun sa malapit na Junk Shop. Mas malaki kesa bentahan doon kesa sa mga bote dyaryo na nagiikot sa lugar namin. Mas malaki kinikita ko doon. Hahaha. Ako naghahati hati. Syempre patas kami. Tapos didiretso na kami sa malapit na bakery at bibili ng tinapay pang meryenda. Masaya ako na may naiuuwi akong ganoon sa bahay. Tapos bibigay ko kay nanay pera ko magtitira ako pambaon ko. Ang saya-saya ko na noon.

Naranasan ko rin magtinda ng Sampaguita sa isang Simbahan sa Marilao, Bulacan. Hindi din naman kalakihan pero sapat na pambaon ko. Naranasan ko magtuhog ng sampaguita, gumawa ng palaspas at gumawa ng kwintas na  gawa sa sampaguita na sinasabit tuwing Graduation Day. Ang saya saya kaya. Tapos uuwi ako may pera ako syempre dadaan ako sa bakery para bumili ng tinapay. Masaya na ako kasi may pambaon nanaman ako.

Nagpatuloy yun hanggang sa naka Graduate ako ng Elementarya. Paminsan minsan gumagawa naman ako ng Kendi sa kapitbahay at nagbabalot. Malaki laki din kita ko doon kasi pakyawan. Yun nga lang hindi arawan. Tuwing weekend. Gusto ko nga gawin negosyo iyon. Hahaha. Malay natin.

Masaya naman kahit papano naging kabataan ko. Maaga namulat sa paghahanap buhay. Pero diko pinagsisihan yun. Minsan kung iisipin parang ang sarap balikan. Kaso hanggang alaala na lang.

#KWENTONG OFW: ABROAD (Mga Kwentong OFW)

“BAKASYON”


Touched Down.
Napakasarap sa pakiramdam na makalipas ang higit 2 taon na pagtatrabaho sa ibang bansa, sa wakas ay nakabalik na sa lupang sinilangan. Sabik na sabik ako mayakap ang pamilya ko na naghihintay sa Arrival Area ng Clark International Airport. Iyon talaga ang pinili ko. From Singapore to Clark. Mas malapit sa amin. At mas mahal ang ticket kumpara kung sa NAIA ako bumaba. Naalala ko sabi ng boss ko “Your plane ticket is too expensive.” Hindi na lang ako kumibo ng sabihin ng amo ko iyon.

Wala sya karapatan magreklamo. Kasama sa kontrata yan. Hahahaha! Iyon ay kung alam ng ibang kababayan natin ang mga karapatan nila. Marami pa kasi sa kababayan natin hindi alam ang karapatan nila. Ang iba naman ay nanahimik na lang at hindi nakibo. Ganyan din ako noon. Kaso tinubuan na ako ng sungay kaya kabisado ko na mga karapatan at mga benepisyo na nararapat para sa akin. 😂 Hindi na nila ako maloloko at hindi ako magpapaloko. 😋

Sabik na sabik ako makalabas ng eroplano. Mabilis ko binaybay ang daan patungo sa Immigration. Hanggang sa makarating ako  sa Arrival Area kung saan nakita ko agad ang mga anak ko. 😭😭😭 

Nahalata kong naiilang silang lapitan ako. Aba hindi biro ang higit 2 taon nawalay ako sa mga anak ko. 6 na taon yung panganay ko at 1 taon naman yung bunso noong iwan ko sila at magtrabaho ako dito sa abroad.

Wala na akong paki, agad niyakap ko na sila. Ang tagal ko kaya pinanabikan yung araw na mayakap ko sila. At iyon na yung araw na iyon. May luha syempre. Pero masaya. Tears of joy. Walang kasing saya. Walang halaga. Hindi mababayaran ng dolyar na kinikita ko ang kaligayahan na naramdaman ko ng mga oras na iyon.

Ginugol ko yung mga araw at oras ko sa pamilya. Nagkaroon din ng konting oras para sa matatalik na kaibigan na nanatili sa likod mo sa hirap at ginhawa. Pero mas lamang yung oras sa pamilya syempre.

Pinaka ayoko sa lahat kapag napapalingon ako sa kalendaryo. Binibilang ko yung nalalabing araw na makakasama ko pa sila. May kumukurot sa puso ko. Mabilis yung araw. Mabilis yung oras. 😭😭😭

“Malapit na bumalik si Mama sa Singapore.” Naiiyak ako

“Ayaw ko bumalik ka sa Singapore.” Sabi ng bunso ko na umiiyak. “Dito ka lang mama.” 😭😭😭

“Kailangan bumalik ni Mama.” Sabi ko.

“Ayaw ko mama, ayaw ko bumalik ka sa Singapore.” Dyos ko po ang hirap.

Wala ako naging problema sa panganay ko kasi may isip na sya noon. Nahirapan ako doon sa bunso kasi 1 taon lang ng iwan ko.
Dumating na yung araw ng flight ko. Maaga ako umalis. Habang tulog sila. Hindi na ako nagpaalam. Baka mahirapan ako. Mabigat yung paa ko na umalis ng bahay patungo sa Airport.

Mugtong mata. At masakit na kalooban ang baon ko pabalik sa Singapore. Ang bukod tanging nasabi ko na lang noon. See you after two years.

Sa totoo lang mas masakit yung pag alis ko na ito kesa sa unang alis ko. Sobrang sakit. Sobrang hirap. Pero syempre kailanga ko magpakatatag kasi ginagawa ko naman ito para sa kanila. Para mabigyan ko sila ng maayos na buhay.

Wala naman ako plano magtrabaho ng matagalan sa abroad. Tama na makaipon para makapagpatayo ng negosyo kahit paano. Sa awa ng dyos papauwi na ako this year at unti-unti nasisimulan na namin yung negosyo.

Tapos 1st honor pa yung bunso ko. Unti-unti siguro. May awa ang dyos.

#PERSONAL: PUSO LANG 😍

Alam nyo ba na napaka-simple lang ng Love Story  ko pero Rock. 

My Love Story

Started in YM(yahoo messenger)

Continued in Friendster

And

Ended in Facebook.

Hahaha! Totoo! Until now kami pa rin. Ended in facebook kasi plano na namin magpakasal this year. Pagkauwi ko.After that, tuloy ang buhay pero syempre ibang chapter naman yun. 

#PERSONAL: TIME IS PRECIOUS…WASTE IT WISELY

Time is Gold.

Ito yata ang pinakasikat na motto noon sa Autograph or Autobiography. Tama ba? Autography ba tawag dun? Check ko nga muna sa kaibigan kong si Google.

Noog elementary ako sikat na sikat yan. Pagandahan pa nga. May nabibili noon na susulatan mo na lang. Pero ako  personalized ang autograph ko. Bibili ako magandang notebook tapos papagandahin ko yun. Ako mismo magsusulat ng mga contents tulad din sa mismong autograph. Gamit ko yung isang ballpen sya pero may apat na iba’t ibang kulay. Tapos saka ko ipapa-sign sa mga friends at classmates ko. Maraming beses ako gumawa ng autograph at palagi napupuno. Hanggang sa mag highschool ako gumagawa ako noon.

Life is like a rosary that full of mysteries.

Mga ganun mga motto na nakalagay. Halos pare-pareho pa nga.

Pero pinakagusto ko yung Time is Gold. That time hindi ko pa alam kung paano naging ginto ang oras. Basta ang alam ko lang time is gold o ang oras ay ginto. Yung literal na translation talaga hahaha.

Pero syempre habang lumalaki at namumulat sa mga pangyayari sa mundo at sa buhay. Unti-unti nauunawaan ko yung motto na yan.

Totoo palang ginto ang oras. May mga pagkakataon sa buhay natin na may pangyayari na gusto natin balikan. Pagkakamali na gusto itama. Feeling na hindi mo masabi. Galit na hindi mo mailabas. Pagkain na gusto mo makain. At marami pa. Pero dahil lumipas na o tapos na o di kaya ay wala na. Hindi mo na magagawa yung mga bagay na gusto mo. Hindi mo na maibabalik yung oras. Yung pagkakataon. Yung nakaraan. Yung noon.

Kaya pala sinabi nila na time is gold. Kung may oras ka pa, pagkakataon para sabihin sa isang tao na mahalaga sya sayo sabihin mo na. Kasi hindi natin alam ano mangyayari bukas o sa makalawa. Hindi natin hawak ang oras at bukas.

Parang pagsusulat sa autograph ko. Sabi ng isang kaklase ko after 10 years bakit daw hindi ko sya pina-sign sa autograph ko. Ang sagot ko sa kanya sabi mo ayaw mo diba. Tapos after 10 years pinakita ko sa kanila yung mga signs nila, syempre may value na yun. So kahit gustuhin nya magsulat ngayon hindi na pwede kasi puno na. Wala ng value. Iba yung noon at iba na rin after 10 years. Parang feelings, nagiiba…hahaha

#KWENTONG OFW: BUHAY ABROAD (Part 1)

Nasabi ko na sa previous post ko na isa akong OFW. Overseas Filipino Worker. Limang taon na rin. Hindi ko akalain aabutin ako ng 5 taon dito sa abroad. Wala akong plano magtrabaho dito ng matagalan. Yung tipong dekada na inabot sa ibang bansa. Ito na ang huling pirma ko. Dapat last year nakauwi na ako, kaso nakiusap na mag extend ako ng 6 na buwan hanggang 1 taon.

Naalala ko lang yung mga hirap ko bago ako makarating dito sa banyagang bansa. Magmula sa pagkuha ng passport. Hindi literal na passport lang ha. Kasi maraming requirements sa pagkuha ng passport. May appointment system pa. Buwis Buhay sa pagkuha ng ibang requirements. Libo din ang kailangan. Passport pa lang yun and other expenses. May mga training, medical at kung ano-ano pa. Buwis-Buhay nga.

Naalala ko lang yung mga kasabay ko noon. Mga kasama ko sa agency. Mga nakasama at nakilala ko sa TESDA training, OWWA, PDOS at nakasabay ko sa flight. Iisa lang ang goal namin. PARA SA PAMILYA. Ang iba sa kanila single mom. May asawa pero walang trabaho. Breadwinner. May anak at mga anak. May kasintahan. Kasal. Balo. Hiwalay. Single. Iba-iba man kami ng katayuan sa buhay pero iisa lang yung talagang goal namin.

Ako ganun din naman. Para sa pamilya. Para sa pamilya. Para sa pamilya.

Sabi nga sa OWWA kung hindi ka handa magabroad, wag ka na tumuloy. Kasi hindi biro. Makikipagsapalaran ka sa bansa na iba ang kultura, paniniwala, salita at kapaligiran. Maninibago ka talaga. Lalo pa kung first timer ka.

Ako kasi nakahanda ako. Bata pa lang ako pinangarap ko na mag abroad. Kasi hindi naman ako lumaki sa mayaman at masaganang buhay. Isang kahig, Isang tuha rin kami. Hindi kami mayaman. Walang trabaho ang parehong magulang ko. Ang pananaw ko kasi noon kapag abroad maraming pera, masarap na buhay, magagandang damit at gamit. Pero iyong pananaw na iyon nagbago noong ako mismo nakaranas sa tinatawag nilang BUHAY ABROAD. BUHAY OFW.

Gusto ko na sumuko. Kasi ang hirap. Hindi pala ito katulad ng Pilipinas. Nakakaiyak sa simula. Pero sabi nga nila “Walang madali sa simula.” Nagtiis ako. Nagpakatatag ako. Inisip ko pamilya ko at sinabi ko na para sa kanila iyon. Hanggang sa hindi ko na namalayan na maglilimang taon na pala yung mabilis na lumipas.

Sa mga susunod na blog ko ikukwento ko yung mga karanasan ko. Mga taong nakilala at nakasalamuha ko. Ayoko masyado magsulat ng mahahabang blog. Baka kasi tamarin yung mga readers (kung meron man). Hahaha!

A Blessed Saturday Everyone.

Blog at WordPress.com.

Up ↑