#PERSONAL: PAMILYA

Sabi nila iwan at talikuran ka man ng ibang tao, pero ang pamilya mo palaging nandyan. Nakasuporta, nakaalalay at nagdadasal para sayo. Susuportahan ka sa lahat ng laban sa buhay. Patatatagin loob mo kapag nawawalan ka ng pag asa. Magkamali ka man alam mo nakahanda sila makinig at dumamay. Itutuwid yung landas na tatahakin mo. At gagabayan ka sa lahat ng oras. Mamahalin ka ng buo. At walang katumbas na pagmamahal at pagaaruga. Kapag nasasaktan ka mas nasasaktan sila.

Noong bata pa ako hindi ko lubos nauunawaan ang salitang Pamilya. Basta ang alam ko lang binubuo ito ng magulang at anak period. Basta kumpleto kayo pamilya ang tawag sainyo.

Hindi kami mayaman. Walang trabaho minsan si daddy si nanay naman walang raket minsan. Yung buhay namin isang kahig, isang tuka. Minsan meron, minsan wala. Pero masaya kami. Lalo kapag sabay-sabay kami kakain ng paborito namin tuyo, mainit na kanin at sawsawan na suka at bawang na may sili. Pag medyo nakaluwag may scrambled egg pa nga, yung may sibuyas, kamatis at bawang. Tapos lucky me or maggi na instant noodles. Yung kadalasan na hinahain ng mga ordinaryong pamilyang filipino. Syempre nagsadasal muna kami bago kumain. Never kami nagreklamo sa ganoon klase ng buhay. O siguro dahil bata pa kami ng mga kapatid ko noon.

Takot kami kay daddy. Yung salita nya mistulang batas sa amin. Si nanay naman saktuhan lang. Wala ako matandaan na sumagot kami ng pabalang kay daddy. Sumimangot siguro oo, pero hindi na namin inulit. Hahaha. Sabi ni daddy de numero daw ang kilos nila noong mga bata pa sila. Ganoon daw sila pinalaki ng lolo namin. Kami yung mga Batang 90’s nakatikim ng hagupit ng sintoron, walis, tsinelas at kahoy.

Naglalaro sa kalsada. Nagaabang ng cartoons at mga educational show sa umaga at hapon. Masaya ang kabataan namin. Kahit wala kaming mga latest at magagandang laruan. Tsinelas, bola, garter, lata at chalk lang masaya na kami.

Kanina sa isang conversation namin ni daddy bigla ko nasabi sa kanya. “Maswerte ka sa mga anak mo, walang lumaking balasubas. Drug Addict, magnanakaw ni isa sa amin.” (may mga naunang pamilya si daddy bago kami, bale 8 kami lahat. 3 kami magkakapatid sa nanay namin.)

“Kahit wala tayong pera. Walang yaman. Pero yung respeto na meron kami magkakapatid para sayo, yun yung kayamanan mo na hindi pwede manakaw o angkinin ng sino man.” May pinaguusapan kasi kami kanina. About sa pamilya. At napunta nga doon ang usapan namin. Natuwa ako sa sinabi nyang “Salamat! Anak!

Aminado ako hindi sya naging best at good daddy sa amin. Marami sya pagkakamali. Maraming pagkukulang. Mga responsibilidad na hindi nya nagampanan. Isa na doon yung pagpo-provide ng  basic needs na isang pamilya. Wala kaming bahay, walang damit (puro bigay o di kaya binili ng Lola namin na mama ni nanay. Sya din nagpaaral at nagpalaki sa amin magkakapatid). Walang yaman at marami pang wala. Ang meron lang kami magulang. Minsan wala sila trabaho pareho. Kaya si lola nagpapakain at nagpalaki sa amin. Naligaw din ng landas si daddy at nanay. Alam ko hindi sila perpekto. Tao lang sila. Pero yung respeto namin sa kanila bilang ama at ina nandoon talaga. Sabi ko nga hindi kami naging bastos at balasubas na klase ng anak. 

Natatandaan ko isang beses sumagot ako kay nanay. Iyon ang una at huling pagsagot ko sa kanya. (Nasampal ako bes, masakit ng very light😂) Hindi na naulit. Nagkakatampuhan kami Oo, walang kibuan, walang pansinan. Pero syempre nanay sya alangan magmatigas ako. Sa mga kapatid ko, nagaaway kami talaga. Pero hindi bugbugan. Sutilan ganun. May mga times na hindi din kami naguusap nung malalaki na kami. Nagaaway kami. Pero bilang ko sa daliri ko kung ilang beses kami nakapagsalita ng di maganda sa isa’t isa. Marahil dala lang galit. After nun wala na. Pinalaki kami ni daddy na dapat irespeto ang ate. Sumunod sa ate. Eh ako ang Ate. So, ramdam ko respeto sakin ng mga kapatid ko. Hindi naging balasubas sakin mga kapatid ko. Kaaway nila, kaaway ko rin. 

To make the story short. Lumaki kaming may takot at respeto kay Daddy. Si nanay average lang. Lumaki kaming batas ang bawat salita nya. Ganun katindi. Matalino si daddy. Hindi nga lang daw ginamit. Minsan nga nasabi ko, siguro kung inayos ni daddy sarili nya, maganda at maayos sana buhay nya ngayon, mga buhay namin.”  Kaso sabi nya: kung naging maayos at maganda buhay ko edi sana walang kayo. Hindi ko makikilala nanay nyo.” 

 Naihalintulad ko kasi sya sa isang kakilala. May pera sila, may kaya, may sinabi sa buhay. Pero nakita ko kung paano sya bastusin ng anak nya. Dumating sa time na itinakwil nya anak nya. Parang wala na syang pakielam dito. Ni hindi man lang hinanap o kumustahin o dalawin. Naligaw ng landas yung anak. Napariwara. Dumating sa time na nawala yung anak nya. Hanggang sa huling sandali mas mahalaga sa kanya ang sasabihin at iisipin ng ibang tao. May ganoong magulang pala. Hindi man lang nya binigyan ng pagkakataon yung anak nya na makapag bagong buhay. Ayusin ang buhay. Kasi kung magulang ka hindi mo hahayaan na maging ganoon sya. Hindi ka magsasawa bigyan sya ng naparaming pagkakataon. Nang napakaraming pagpapatawad. Kasi magulang ka. Hindi ka mapapagod gawin iyon sa anak mo. Sa sarili mong dugo at laman.

Nagkamali din kaming mga anak ni daddy. Hindi isa, dalawa o tatlo. Kundi maraming beses. Pero kahit ilang beses kami magkamali. Malugod nya kami pinapatawad at tinatanggap. Hindi man kami mayaman, busog kami sa respeto, pagpapatawad at pagmamahal ng magulang. 

Hindi pala basehan ang yaman ng isang tao para masabing masaya ka at na sayo na ang lahat.  Hindi din basehan na buo ang pamilya pero wala yung pagmamahal, pagaaruga, pagbibigay, pagpapatawad, pagtanggap at respeto sa isa’t isa.

Lubos ko lang naunawaan  sa araw na ito ang ibig sabihin ng salitang Pamilya. Maswerte pala kami na kahit mahirap lang kami may Pamilya kaming matatawag. 

Advertisements

Comments are closed.

Blog at WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: